Hindi na ako nagtataka kung bakit iba talaga ang tingin ko sa mga taong taga Maynila. Bakit madalas, mas magastos sila. Bakit madalas, mas marami silang gadgets. Bakit madalas, mas malaki ang kita nila. Ngayon hindi na ako nagugulat.
Alam naman ng marami na self proclaimed probinsyano talaga ako. Pinanganak sa Munti (labas), isang pulgada mula sa Laguna, at sa katabing bayan nito lumaki. Buong buhay ng pag aaral, sa Laguna iginugol. Natuto mag ani at umakyat sa puno ng niyog.
Hindi ko sinasabing mas hasa ako sa mga gawaing bukid. Sadyang hati lang talaga ang pagkatao ko. Pero mas balimbing ako sa pagiging probinsyano.
Sa kasaysayan ng buhay ko, ito na ata ang pinakamatagal kong pananatili sa Maynila. Nakatira ako ngayon sa Cubao, at nagtatrabaho sa isang di kalayuang eskuwelahan. Taliwas sa plano kong magtrabaho pa rin sa Laguna pagkatapos ng kolehiyo, dito ako dinala ng malikot kong mga paa, at mga aplikasyon sa Jobstreet.
Nakakapanibago sa Cubao. Nakakapanibago sa Maynila. Lahat ng mga tao mabilis maglakad at masyadong focused sa mga iniisip. May mga nakakasalubong akong kakilala minsan pero hindi kami nagkakapansinan hangga’t hindi isang tao ang pagitan namin sa isa’t isa. Minsan kailangan ko pa kalabitin.
Hindi ako nagtataka kung bakit magastos ang mga taga Maynila. Hanep din kasi ang lugar sa dami ng pwedeng pagkagastusan. Dito sa amin, ang manikyur at pedikyur eh isang tao lang ang gumagawa sa buong barangay. May dala siyang toolbox. Sa maynila, dalawang tao ang gagawa sa iyo. Magkaiba ang kamay at paa. At kailangan ikaw ang pupunta sa shop nila. Dagdag pa diyan, dito sa amin eh iisang tao lang ang nagmemake up, ayos ng buhok, at pagupit. Doon eh iba iba pa. Iba ang nagrerelax, iba ang naggugupit. Iba ang nagmemake up. At saan ka, iba ang nag aahit ng balahibo mo sa kilikili. Plus, iba ang nag aayos ng pilik mata.
Dahil isang kibot eh kailangan ng bayad, kailangan mo talaga gumastos. At para makagastos ka, kailangan mo siyempre ng pera. Kaya hindi ako nagtataka kung bakit malalaki ang sweldo ng mga taga Maynila. Una, mataas ang cost of living. Yung bahay kong 1,600 ang upa ko nung college, mas malaki pa sa inuupahan kong bahay ngayon, pero ang upa eh higit sa doble ng upa ko nun. Mahal din ang pagkain, pamasahe. Kaya kailangan mo maghanap ng trabahong kaya kang paswelduhin ala cityboy. At isa pa, sa dami ng taong nangangailangan ng trabahong mataas ang pasweldo, kailangan din competitive ang pasweldo mo para magaling ang makuha mong mga empleyado.
Nahihirapan ako nung una. Akala ko kasi makakaipon ako ng malaki. Nakakaipon naman ako, pero sakto lang. Di tulad ng inaasahan.
Walang kalabaw sa Cubao. Kahit anong kayod mo ng araro, palagi ka pa ring breakeven lang. Hindi ka uuna, hindi ka aangat sa iba. Kaya hindi ako nagtataka kung bakit maraming masasamang loob sa syudad. Mataas ang kompetisyon para kumita at mabuhay dahil patuloy na tumataas ang baseline para mabuhay.
Obserbasyon ko lang naman. May ilang buwan na din ako sa Maynila nakatira. Ilang buwan mula ngayon, aalis nanaman ako at babalik ng probinsya para mag aral. Naeexcite akong bumalik kung saan mura at relax mamuhay. Pero ganun pa man, hindi ko ikinakalungkot ang mga karanasan ko dito sa Maynila.
Tunay na walang kalabaw sa Cubao. Lahat kasi kayod Kalabaw, parang Kalabaw. Pero tao pa rin. Minsan nga lang, mas mabuti pang naging kalabaw na lang sana.
*halaw mula sa pamagat ng tula ni Ginoong Ericson Acosta, isang aktibista at bilanggong pulitikal. Inaresto siya noong Feb 13, 2011 sa Samar ng walang warrant. Suportahan ang pagpapalaya sa kanya at lahat ng bilanggong pulitikal! Makiisa sa Free Ericson Acosta Movement!
-
beautiful130 liked this
-
kwinarbs liked this
-
yesillbefine liked this
-
jiriku liked this
-
blsbs liked this
-
juanrepublic liked this
-
eat-thybrain liked this
-
godonghae liked this
-
crannequin liked this
-
heckyspaghetti posted this
