Noong umalis ako sa UP hindi pa mahabang panahon ang nakakalipas, mahabang diskusyones na kung anong tag ang dapat nga bang gagamitin ng mga estudyante. Nagpost ako tungkol sa bagay na ito dati pa. At dahil eleksyon nanaman ngayon eh nabubuhay nanaman ang ganitong mga debate sa pagitan ng mga partido pulitikal sa loob ng pamantasan. 

Iskolar ng Bayan

Iskolar ka ng bayan dahil ang mamamayan ang nagpapaaral sa iyo. Iyon ang pinakabatayang pagkakainitindi ko sa katagang ito. Pinapaaral ka ng mamamayan dahil sinasagot ng kaban ng bayan ang malaking porsyento ng iyong matrikula. Dahil sa katotohanang ito, inaasahan na dapat ay mag aral ka ng mabuti dahil may pananagutan ka sa mga mamamayang nagpapaaral sa iyo. Hindi mo dapat sayangin ang buwis dahil ayaw ng mga pulitiko natin na naaagawan sila ng pera. 

Panahon pa ni Pangulong Marcos, Iskolar ng Bayan na ang termino sa mga mag aaral sa mga pampublikong pamantasan sa bansa. Bago pa mag First Quarter Storm, hanggang sa Occupy Mendiola, Iskolar ng Bayan ang nasa unahan ng mga panawagan para baguhin ang sistema ng bansa.

Iskolar Para Sa Bayan?

Noong panahon ng isang Tsanselor sa UPLB, inilunsad ang kampanyang ito. Naglalayon ito na ipaalala sa mga mag aaral ng pamantasan na ang magaaral ay dapat ialay ang kanyang sarili sa bayan. Isa siyang iskolar na naglilingkod para sa bayan. 

Oh ngayon?

Nakakatawa lang na halos pagtalunan pa ng mga kandidato sa eleksyon ng konseho ang mga terminong ito. Parang yung nangyari noong 2008 ata o 2009 kung saan pinagtalunan naman nila ang kahulugan ng activism. Nakakainis isipin na pinagaaksayahan pa ng oras ang mga ganitong bagay kesa ibang mas mahalagang usapin tulad ng representasyon at pagprotekta sa mga organisasyon ng mga mag aaral. Tunay na sumasalamin lang sa uri ng pulitika na meron sa bansa natin sa pambansang antas.

Ang iskolar ng bayan ay pinapaaral ng bayan. Wala tayong dapat pagtalunan dito. Kung sasabihin natin na hindi na tayo dapat maging iskolar ng bayan, para na rin nating hinikayat ang pamahalaan na tuluyan na ngang alisan tayo ng kakarampot na subsidiya. Bilang mga mag aaral na pinapaaral ng mamamayan, responsibilidad natin na maglingkod sa kanila sa anumang antas na ating makakaya. 

Karapatan natin ang dekalidad at abot-kayang edukasyon kaya dapat lahat sana tayo ay Iskolar ng Bayan. At dahil lahat tayo ay may karapatang magaral, lahat tayo ay may responsibilidad na paglingkuran ang sambayanan. Iskolar din tayo para sa bayan. 

Iskolar ng bayan, para sa bayan. Wala nang dapat pang pagtalunan dito. Karapatan natin ang edukasyon sa lahat ng antas, at katungkulan din natin ang paglingkuran ang sambayanan. Kung kahit isa sa dalawang ito ay mawala sa plataporma ng iyong partido, alam mong hindi mo sila dapat iboto.

Mula sa masa, tungo sa masa.
Iskolar ng bayan, para sa bayan. 

  1. heckyspaghetti posted this