Ngayong hapon lang nabalitaan ko ang nangyari kay Lordei Hina, isang mag aaral ng UP Diliman na sinaktan at ninakawan sa UP Diliman Vinzons Hall kahapon. Nakakalungkot.

Nagtatao sa opisina ng student council si Lordei ng biglang pasukin ang opisina ng ilang kalalakihan at nagtangka siyang pagnakawan. Nagtamo si Lordei ng hampas sa ulo. Nasa ICU siya ngayon ng Capitol Medical Center.

Hindi nakakagulat na mangyayari ulit ang ganitong mga bagay. Kahit saang UP campus, may nagaganap na kawalan ng seguridad. Marami ang nananakawan at nasasaktan. Kabilang na nga diyan si Given Grace Cebanico. Maaaring hindi siya sa loob ng UP campus nakatira, pero nakuha ang kanyang katawan sa loob ng lupang nasasakop na ng UP.

Ang budget para sa pagpapaigting ng seguridad ay nakabatay sa MOOE o iyong Maintenance and Other Operating Expenses na tinatawag. Ang MOOE, kasama ng Capital Outlay (o yung badyet sa pagpapagawa ng mga bagong gusali at dormitoryo) ay ibinibigay ng pamahalaan sa UP sa taunang budget appropriations nito. Noong nakaraang taon, ang UP ay nagkaroon ng 1.39 B na budget cut na nagdulot ng malaking pagbagsak sa badyet sa MOOE, at ang Capital Outlay ay 0.

Naging dahilan ito ng pagbaba ng bilang ng mga gwardya at pulis ng UP. Sa halip pa na magtalaga ng gwardya sa campus para maprotektahan ang mga magaaral, pinalitan ang mga ito ng mga CCTV camera na akala mo nama’y may magagawa sa oras mismo ng krimen.

Kung mas malaking badyet lang sana ang itinatalaga sa UP, hindi sana nakokompromiso ang seguridad sa campus nito. Hindi sana nanakawan si Lordei. Wala sana siya sa ospital ngayon.

Bukas, nakatakda ang RED SHIRT DAY sa UP Diliman bilang pagkundena sa naganap kay Lordei. Sa kasalukuyan, isang suspect pa lamang ang nahuhuli at at large pa ang mga kasama nito.

Badyet sa pampublikong pamantasan, dagdagan!

  1. krissylovestodream reblogged this from unibersidadngpilipinas
  2. angelwings24 reblogged this from heckyspaghetti
  3. unibersidadngpilipinas reblogged this from heckyspaghetti
  4. niteofecarge said: OMG >.< how sad naman :(
  5. heckyspaghetti posted this