13
16 Jan 12 at 3 pm
tags: impeachment  pinoy 

Ito yung isang malaking tanong na sumambulat sa isang public forum na aking napuntahan. Bilang mga mamamayan, ano ang dapat nating maging posisyon sa impeachment kay Corona?

Dapat bang manindigan tayo na dapat siyang ma-impeach, o hindi?

Una, dapat suportahan natin ang impeachment kay Corona. Higit pa noong panahon ni Gloria Arroyo bilang pangulo, maraming paglabag sa ating karapatan ang kinatigan ni Corona bilang Hukom ng Korte Suprema. Ilan na lang diyan:

  • PP 1017 o State of National Emergency; kung saan sinuspinde ang writ of habeas corpus at nagsagawa ng warrantless arrests
  • Pagpapataw ng Executive Privilege kay Romulo Neri (dating NEDA chair) upang hindi mapilit na magsalita tungkol sa NBN-ZTE deal
  • Ang hindi maayos at hindi deklaradong mga paggastos sa JDF o Judiciary Development Fund na sana’y gagamitin para sa pagpapaunlad ng hudikatura.

Marami pang iba at karamihan ay patungkol sa pagpoprotekta kay Gloria Arroyo. Nararapat lamang na patalsikin si Renato Corona bilang Chief Justice upang bigyang pananagutan ang mga kawalang hustisya na kanyang ginawa.

Noynoy Court?

Gayunpaman, sa oras na mapatalsik si Corona ay magtatalaga si Aquino ng isang panibagong chief justice. Delikado ang kilos na ito. Sa pagsasampa ng impeachment, 188 na kongresista ang pumirma, nagpapakitang hawak na talaga ni Aquino ang kongreso. Mahahawakan pa niya ang Korte Suprema?

Isa pang malaking isyu dito ay ang kamakailan lamang na ruling ng Korte Suprema na ipamahagi na sa mga magsasakang matagal nang lumalaban para sa repormang agraryo ang Hacienda Luisita.

Sa oras na makapagpwesto si Aquino ng kanyang manok na Chief Justice, kayang kaya na niyang ipabaliktad ang desisyon patungkol sa Hacienda Luisita.

Mapapabaliktad na ang desisyon sa Hacienda Luisita, posible pang mabigyang daan ang isang diktadura dahil hawak na ng executive ang legislative at judiciary. Sinisira nito ang sistema ng check and balance kung saan ang isang sangay ng pamahalaan ay may pananagutan sa isa pang sangay. Masesentralisa ang kapangyarihan sa kamay ni Noynoy Aquino.

Kaya ang ating panawagan, dapat suportahan natin ang impeachment kay Corona, pero maging mapagmatyag tayo sa mga kilos ni Aquino patungkol dito. Walang kalayaan at demokrasyang hindi nakukuha sa isang lehitimong laban, at dapat nating tandaan na sapat nang pagkabingi ang ipinakita ng rehimeng Aquino sa panawagan ng mga mamamayan.

Walang pagbabago sa ilalim ni Aquino!
Gloria Arroyo, papanagutin! Renato Corona, patalsikin!

  1. heckyspaghetti posted this