Tungkol sa paghihiwalay.

Kaninang pauwi ako galing sa trabaho, sumakay ako sa jeep. Evangelista. Alam mo na siguro kung saan ako nakatira. Di rin maikling byahe ang mula Buendia hanggang Evangelista, at bonus pa dahil mag isa ako sa jeep. 

Malakas ang tugtog ng radyo. Easy listening music daw sabi ng istasyon. Gusto ko naman na nakikinig sa istasyon na ito kapag wala lang, o kung hindi naman ako makakapili.

Tahimik lang ako at nagmumuni muni sa labas. Kapag nasa dulo ka ng jeep, hindi mo maiiwasang magmasid sa binabagtas na lansangan ng iyong sinasakyan. Mga night club, videokehan, karinderya, mga magsyotang naglalakad, mga estudyanteng papauwi.

Di naglao’y sumalang ang kantang ito sa radyo. 

Hindi ako masentimiyento sa mga kanta lalo na iyong mga sumikat na pop. Pero siguro sa lakas ng tugtog sa radyo ay malinaw kong narinig ang liriko ng kanta at napakinggan kong mabuti.

Cause when I’m with him I am thinking of you
(Thinking of you, thinking of you)
Thinking of you, what you would do
If you were the one who was spending the night
(Spending the night, spending the night)
Oh, I wish that I was looking into your eyes-eyes

Wala akong partikular na tao na naalala sa kantang ito. Pero naalala ko ang panahon sa buhay ko na gasgas ang kantang ito sa radyo.

Oh, won’t you walk through
And bust in the door and take me away?
Oh, no more mistakes
'Cause in your eyes I'd like to stay, stay…

Hindi ko maiwasang isipin. Kanino ko nga ba inihandog ang kantang ito noon? Sino nga ba ang pilit kong hinahabol o pilit kong pinababalik? Wala akong pangalan o mukha na maalala. Siguro dahil masyadong madalas na nangyari. O di kaya’y pinilit ko na lang na kalimutan.

At hindi ko maiwasang matawa. Totoo nga, pag bata ka pa, pakiramdam mo kaya mong gamayin ang mundo at pasunurin sa kung paano mo gusto.

Malinaw naman kung saan tungkol ang kanta: paghihiwalay. Paghihiwalay na pilit inuudlot noong sumulat, dahil sa kanyang palagay ay hindi niya kaya kapag nawala ang taong pinaghahadugan niya niyong kanta.

Lahat tayo dumadaan sa paghihiwalay. Nakakainis lang isipin na minsan iyong mga tao pang pinakaimportante sa atin ang kailangang lumisan. Pero kahit anong subok nating pigilan, kapag hinog na ang pagkakataon, sapat na ang mga dahilan, mangyayari at mangyayari ito.

Naisip ko, ang mga relasyon, katulad ng iba pang mga bagay sa mundo, likha man o natural, ay nakatakda rin lahat sa pagtatapos. Maihahalintulad ang pagkupas ng mga pakiramdam sa pagkalanta ng mga halaman o pagkabulok ng mga katawan. Isang katiyakan ng katapusan, na kahangalan lang din naman kung susubukan mong pigilan. Wala akong nakitang lantang bulaklak na muling sumibol at bumukadkad.

Nakakatawang isipin na tatlo, apat, limang taon na ang nakakalipas, ibang mga tao ang labis nating pinahahalagahan. Pero ngayon ni hindi na man lang yata nila tayo o natin sila kilala. Minsan sinasabi natin na hindi natin malilimutan ang isang tao, pero sobrang husay ng kapalaran na isagawa ang paglimot na hindi natin namamalayang wala na pala tayo sa buhay ng isang tao. Sobrang natural gawin ng kapalaran. Sobrang natural na kahit anong subok natin na sumalungat dito ay pagsasayang lang din ng oras.

Bumaba ako ng jeep na bagsak ang pakiramdam. Di ko alam kung bakit ko ginagawa sa sarili ko ang ganitong pagtatasa sa realidad ng buhay. 

Panay ang reklamo natin na ang buhay ay mahirap.

Na ang buhay ay masalimuot,

paikut ikot.

Dadaan kuno sa butas ng karayom

pahihirapan tayo

palagi na lang nasa baba ng gulong

pinahihirapan

minamalas.

Pero ang mas masaklap

ay hindi ganoon ang buhay.

Dahil ang buhay ay wala.

Walang direksyon.

At lumulutang lutang lang tayo

sa dagat ng mga bagay

na gawa gawa lang din naman

at kasalanan lang din naman

nating lahat.

Festival mall on a not-weekend. Ngayon lang yata nawalan ng activity dito.

Festival mall on a not-weekend. Ngayon lang yata nawalan ng activity dito.